Alas-kuwatro
        (4:00) din ng hapon, 
        tinawagan ni Imelda sa telepono
        si Mel Mathay, Vice Governor ng kalakhang Maynila, at kinumusta
        ang lagay nila. Makakabawi pa kaya? Tahasang sinabi ni Mathay
        na talo na sila sa Maynila at dapat nang sumuko ang mga Marcos.
        Saka lang daw sinabi ni Manotoc kay Imelda ang tungkol sa alok
        ni General Allen ng mga American helicopter o mga Navy boat para
        mailabas ang may sakit na si Marcos at ang kanyang mga kasama
        sa kubkob na Palasyo. Idinagdag ni Colonel Aruiza na lubhang
        mapanganib ang sitwasyon sa labas ng Malakanyang. Ani Imelda,
        sabihin nila sa Presidente.
        Sa kuwarto ng Presidente, nagkalat sa sahig ang mga kutson na
        tinulugan ng mga apo. May natulog din sa presidential bed, na
        hindi pa naaayos. Daan-daang libro ang patong-patong kung saan-saan
        sa kuwarto. May mga bunton ng papeles at dokumento sa ibabaw
        ng desk. Nakahiga si Marcos sa hospital bed, sa dakong kanan
        ng malaking kuwarto. Nakapikit siya, pinapaligiran ng mga doktor,
        nurse, at attendant; may nakaupo, may aali-aligid, nakatiyad.
        May nagtatanod ring mga security aide at valet. Ayon kay
        Dr. Juanita Zagala, nilalagnat si Marcos; 39 degrees ang temperatura.
        Nagising ang Presidente sa bulungan nila. Ibinalita ni Aruiza
        ang sitwasyon sa labas ng Palasyo. Kung makakapasok ang mga tao
        at mga rebeldeng sundalo, aniya, dadanak ang dugo. Pilit na bumangon
        ni Marcos. Nang nakatayo na ito, inutusan niya ang kanyang security
         sina Alex Ganut, Jr., Jovencio Luga, at Ben Sarmiento 
        na iimpake ang kanyang mga damit, libro, at papeles. 'Tapos,
        pinatawagan niya kay Aruiza si Enrile. Saka lang ibinalita ni
        Manotoc ang alok ni Allen.
        Bandang 5:00 o 6:00 ng hapon nang huling tawagan ni Marcos si
        Enrile sa telepono. "Puwede ka bang magpadala ng security
        force dito para patigilin kung sino man ang nagpapaputok sa Palasyo?"
        hiling ni Marcos kay Enrile. Ani Enrile, sasabihin niya kay Ramos
        na magpapadala ng isang contingent para matyagan ang sitwasyon.
        Nakiusap din si Marcos na tawagan ni Enrile si US Ambassador
        Bosworth. "Ibig ko nang lisanin ang Palasyo. Itanong mo
        sa kanya kung puwede kaming sunduin ng security force ni General
        Teddy Allen." Itinawag ni Enrile kay Bosworth ang pasabi
        ni Marcos. Maya-maya tumawag si Bosworth kay Enrile; patawagin
        daw sa kanya si Ramos para maipaliwanag niya sa heneral ang mga
        detalye ng pagsundo sa Presidente sa Palasyo.
        "Ako mismo ay walang kamalay-malay sa backroom maneuverings
        na nangyayari noon," ani Ramos, "pero madalas kong
        nakausap si Colonel Tom Halley, US Defense and Air Force attachè,
        na siya raw counterpart ko, ayon sa US ambassador. Gayunman,
        kahit kailan ay hindi ako humingi sa kanila ng karagdagang tropa
        pampalakas sa aming puwersa. Never! Iginiit ko na ito ay laban
        ng mga Pilipino!"
        Matapos makausap ni Marcos si Enrile, pinatawagan niya kay Manotoc
        ang US Embassy upang tanggapin ang alok nilang sasakyan at security
        paalis ng palasyo. Lahat ay dibdiban nang nag-impake, hindi lamang
        ng damit, libro, at mga papeles ng Presidente, kundi pati ng
        kahon-kahong pera na nakatago sa kuwarto niya mula pa noong kampanya.
        Sa Crame War Room, nagsusuot ng bulletproof vest si Enrile at
        nag-aarmas bago tumawid ng EDSA pabalik sa Camp Aguinaldo. Pinapaligiran
        siya ng labing-apat na heneral at koronel (hindi malinaw kung
        kabilang si Ramos sa mga heneral). Aniya, "Kakakausap ko
        lang sa Presidente." Nainagura na si Cory pero para kay
        Enrile, si Marcos pa rin ang Presidente. "Handa na siyang
        makipag-usap tungkol sa pag-alis niya. Ipinangako kong hindi
        natin siya sasaktan, gayon din ang pamilya niya. Itinanong niya
        kung gayon din ang maaasahan ni Ver. Sabi ko, pag-uusapan natin."
        Saglit naghari ang katahimikan. Walang ano-ano, nagbitaw si Enrile
        ng tunay na mensahe. "Mga kasama, hindi na natin puwedeng
        tangkilikin ang dati nating commander-in-chief. Kung napanood
        niyo ang inagurasyon kaninang umaga, nakita niyo na si Cory talaga
        ang gusto ng mga tao. Sa taong-bayan dapat tayo, at si Cory ang
        kumakatawan sa taong-bayan." Walang kumibo. Walang nagsalita.
        Parang may inililibing. Patay na ang hari! Mabuhay ang hari!
        Patuloy ni Enrile, "Kanina, papunta sa inagurasyon, narinig
        ko ang mga tao na sumisigaw, 'Mahal namin ang mga sundalo!' Ngayon
        ko lang narinig iyon sa tanang buhay ko. Kailangan tayong maging
        karapat-dapat. Kailangan tayong maging tapat sa mga tao."
        Pagkatapos pulungin ni Enrile ang mga kumander ng Bagong Hukbong
        Sandatahan, kabilang ang bagong hirang na Chief of Staff, sinabi
        ni Enrile sa press na may posibilidad na magkaroon ng dialogue
        sa isang neutral na lugar tungkol sa pag-alis ng pamilyang Marcos.
        Ngunit hindi naganap ang dialogue dahil sa huli ay dumerecho
        si Marcos kay Bosworth at dumerecho si Bosworth kay Cory. 
        Sa labas ng Crame, ipinakilala ni Enrile si Gringo Honasan sa
        mga tao na nagsasaya; aniya, si Gringo ang nagpasimuno sa pagpapabagsak
        kay Marcos. Itinanggi ni Honasan na nakipagsabwatan siyang patayin
        ang presidente. Aniya, "Wala kaming balak na kudeta o assassination.
        Kumilos lang kami para iligtas ang buhay namin." Naging
        sikat si Honasan noong 1970s nang madestino siya sa Mindanao
        at lumaban sa mga rebeldeng Muslim. Maraming nakakaalala noong
        paratrooper siya at lumundag mula sa eroplano na may nakasabit
        na sawá [Tiffany ang pangalan] sa kanyang leeg.
        
        "Sina Vic Batac at Red Kapunan ang mga utak ng RAM, pero
        matinik din si Gringo, at siya ang may karisma," ani Razon.
        "Nag-train ako kay Gringo," kuwento ni Sembrano. "Mataas
        ang respeto namin sa kanya. Wala siyang ipapagawa sa iyo na hindi
        muna niya gagawin; ganoong klaseng lider siya. At saka alam niya
        ang pangalan mo, hindi lang apelyido. Kayâ siya popular."
        Sa Camp Aguinaldo binalikan ni Enrile ang desk na iniwan niya
        noong makalawa lang. Si Ramos naman ay sinubukan ang dating upuan
        ni Ver sa opisina ng Chief of Staff. Dalawang beses siyang nagtalumpati
        sa mga tao na nagsunuran sa Camp Aguinaldo; nangako siyang mananatili
        itong kampo ng taong-bayan.
        Alas-sais (6:00) ng hapon sa Nagtahan Bridge, dalawang pillbox
        ang sumabog sa hanay ng riot police, na dumagdag na sa Marines,
        sa mga barikadang bakal. Gumulong ang mga APC sa gilid ng intersection
        at nagkasahan ng baril ang mga sundalo. Napaatras ang mga loyalista
        at ang mga Coryista. Lalo pang umigting ang tensiyon nang may
        dumating na bago, mas malaki, at mas maayos na pangkat ng demonstrador
        na ikinakaway ang higanteng dilaw at pulang mga bandera ng labor
        at student organizations. Naibsan lang ang tensiyon nang nakapagpulong
        sina Colonels Santiago at Fortuno at ang mga pari, abogado, at
        iba pang tagapagsalita ng iba't ibang grupo. Nagkasundo ang lahat
        na sila-sila mismo ang magpupulis sa kani-kanilang pangkat; pumayag
        din ang mga loyalista na itabi na ang maliliit nilang watawat
        ng Pilipinas dahil ito ang sanhi ng tensiyon. "Pero huwag
        kayo magkakamaling umabante dahil ang utos sa amin ay manatili
        kami sa puwesto, kahit anong mangyari," sabi ni Santiago.
        "Kapag nagpilit kayo, mapipilitan kaming magpaputok."
        Sa Palasyo, nag-umpukan ang escort officers ng mga Marcos. Kita
        nilang nag-iimpake ang pamilyang Marcos. Lumapit si Greggy Araneta
        at itinanong kung may ibig mag-volunteer na sumama kay Marcos
        kung sakaling magpasiya itong umalis. Nag-volunteer si Captain
        Nestor Sadiarin at pitong sundalo. 
        Sinimulan na ring ipag-impake ng kanyang mga attendant ang Unang
        Ginang. Diniskonekta ng tatlong operator ang mga telepono nila
        para matulungan si Gimenez. Makapal at nagmamadali ang trapiko
        ng sari-saring bagahe mula sa mga kuwarto sa itaas, pababa sa
        Heroes Hall. May mga garment bag, duffel bag, travelling bag,
        leather bag, attache cases, Louis Vitton bags, mga maleta, at
        mga kahong karton. 
        Habang gumagabi, parami nang parami ang bilang ng mga pasahero
        ni General Allen. Iyong tatlumpu (30) ay naging animnapu (60)
        sapagkat isasama ni Marcos ang kanyang medical staff at security
        guards. Nang lumobo na at naging isang daan (100) ang bilang,
        napaisip si Allen  labing-lima (15) ang puwedeng isakay
        sa bawat helicopter, ang iba ay puwedeng sunduin ng bapor. Nang
        madagdagan pa ng dalawampu (20), inawat na ni Allen si Manotoc,
        "Iyan lang ang kaya ko." 
        Makalubog ang araw, iniwan ni Ver at ni Irwin si Marcos at tumawid
        papuntang headquarters nila sa kabila ng ilog Pasig. "Tapos
        na ang lahat," sabi ni Irwin sa mga aide niya na
        puro napatunganga. Naghubad siya ng flak jacket at bulletproof
        vest at nagtungo sa kanyang quarters. Si General Ver naman ay
        kinamayan lang daw ang mga nandoon at nagpasalamat sa kanyang
        mga commander, ngunit hindi siya tuwirang nagpaalam kahit kanino.
        Tulad ng mga Marcos, inilihim ng mga Ver ang napipintong evacuation.
        Alas-sais y medya (6:30) ng gabi, nag-uusap sina Allen at Manotoc
        nang inangat ni Marcos ang telepono at sumabad sa usapan. Inulit
        niya kay Allen ang mga nalinaw na ni Manotoc. Kay Allen, senyas
        ito na kumagat na nga sa pain at handa nang umalis si Marcos.
        "Itinanong ko sa kanya kung saan niya gustong magpunta.
        Sabi niya, sa Clark Air Force Base. 'Tapos, saan? Sabi niya,
        sa Ilocos Norte. 'Tapos, saan? Sasabihin daw niya sa akin pagdating
        sa Clark. Tinanong ko kung kailan niya gustong umalis. Sabi niya,
        handa na raw sila."
        Alas-sais y medya (6:30) rin ng gabi, inutos ng military na magsiuwi
        na ang naiiwan pang domestic at office staff sa Palasyo, pati
        iyong mga panggabi ang shift. Samantala, may problemang mabigat
        si Aruiza; hindi niya mabuksan ang kaha de yero ni Marcos sa
        kuwarto. Hindi matandaan ng Presidente ang kombinasyon, paano
        ay pagód, lango sa gamot, at kulang sa tulog. Hinayaan
        na lang ni Marcos. May inabót siyang brown na Samsonite
        attachè case sa kanyang valet, sabay bilin na huwag ito
        bubuksan o bibitawan. (Ayon kay Aruiza, nang namatay na si Marcos
        sa Honolulu at binuksan ito nina Imelda at Ferdinand Jr., ang
        laman pala ay hindi importanteng papeles kundi isang watawat
        ng Pilipinas, na siya nilang itinakip sa kanyang kabaong. Kuwento
        na pinagdududahan ng maraming Coryista.)
        Sa Clark Air Base, ipinagtanong ni Heneral Allen ang kondisyon
        ng runway sa Ilocos Norte na ipinagawa ni Marcos noong 1983 para
        sa malalaking eroplano na naghakot ng mga bisita sa kasal ni
        Irene. Natuklasan niya na walang ilaw ang runway pang-landing
        sa gabi. Ibig sabihin, sa Clark matutulog ang mga Marcos; kinaumagahan
        lang sila maililipad sa Ilocos Norte. Nang natiyak na ni Allen
        na handa na ang mga helicopter at bapor para sa biyahe, tinawagan
        niya si Manotoc. Sabi niya, 8:30 niya susunduin ang mga Marcos
        sa kabila ng ilog Pasig, sa golf course ng Malacañang
        Park. Doon lang kasi may sapat na lugar para makalapag nang sabay
        ang dalawang helicopter.
        Kuwento ni Ramos, "Pinag-ukulan ko ng panahon ang pakikipag-coordinate
        kay Ambassador Bosworth na siyang nag-areglo ng helicopter flight
        ng Presidente. Tiniyak ko na walang makikialam o iistorbo sa
        kahit anong pagkilos ng mga taga-US Embassy o US Armed Forces
        sa bandang Army Navy Club hanggang sa Embassy grounds."
        Ani Almonte, "Wala kaming kinalaman sa desisyong iyon ni
        Marcos na umalis; siya ang nakipag-usap sa mga Amerikano. Kung
        kami ang nasunod, pinigilan namin siya at iniharap sa mga tao
        para litisin. Palagay ko, kung hindi siya umalis at nalitis siya,
        at nahatulan at nabilanggo, ibang-iba ngayon ang karakter ng
        pulitika natin." 
        "Nasa Wack Wack ako noon," sabi ni Cory, "nang
        tumawag si Ambassador Bosworth. Sabi niya, nahikayat na si Marcos
        na umalis, nakumbinsi ng dalawa niyang manugang na iyon ang pinakamabuti
        niyang gawin." 
        Nasa Mendiola noon ang premyadong direktor ng pelikulang Pilipino
        na si Lino Brocka: "Minsan pa, maniwala ka, nakatayong ganyan
        ang mga sundalo, nariyan naman ang puwersa ng BAYAN. Hintayan.
        Tense talaga. Biglang may tumawid sa tulay mula sa BAYAN side
        papunta sa mga sundalo. May dalang pagkain. Alam mo ba ang ginawa
        ng mga sundalo? Ibinaba ang mga baril nila at pumalakpak! Pagkatapos,
        kumain sila nang kumain. Diyos ko, sabi namin, tao rin pala sila.
        Gutom na gutom! Eh ayun, matapos nilang kumain, tinanganan uli
        ang mga baril nila!" 
        Ipinatawag ni Marcos si Ver sa kanyang study room. Dumating si
        Ver; kasunod daw niya sina Irwin, Wyrlo, at Rexor. May report
        na lulusubin ng Marines ang Palasyo. Umiiyak si Imelda sa balikat
        ng asawa. Inalu-alo siya ni Marcos.
        Alas-siyete y medya (7:30) ng gabi, dalawang US helicopter galing
        Clark ang lumapag sa Pangarap golf course sa Malacanang Park.
        Sa Palasyo, "Nagkakagulo na, at napakaingay," kuwento
        ni Aruiza. "Nagtatakbuhan kaming lahat, naghahablutan ng
        mga ari-arian, sigawan ng mga huling bilin, sinisikap tandaan
        at intindihin ang mga utos." 
        Nakatayô si Marcos sa pinto ng kuwarto niya, walang imik,
        mukha ay 'di mabasa. 'Tapos, dahan-dahan itong naghilahód
        papuntang elevator. Ilang saglit bago siya tumapak sa elevator,
        nilingon niya muli ang paligid. Sa ibaba, may limampung metro
        ang tinawid niya papunta sa daungan ng Heroes Hall. Bawat sundalo
        na dinaanan niya ay marahan at malungkot siyang sinaludo. Punong-puno
        ang bulwagan ng bagahe na itatawid sa ilog at isasakay sa mga
        helicopter. Sa daungan, naupo si Marcos sa isang maleta. Nagpakuha
        si Aruiza ng silya. Lumipat naman ng upuan si Marcos, pero tila
        hirap na hirap siya at wala pa ring imik, nilalamukos ang hawak
        niyang golf hat. May nagsísigâ ng mga dokumento
        sa malapit. Pinatigil sila ni Imee dahil lumalaki ang apoy at
        usok; baka siya atakihin ng hika. Nilapitan si Marcos na mga
        apo, "Wowo" ang tawag sa kanya, subalit bahagya na
        itong makangiti. Nagpakain pa ng mainit na hapunan ang household
        staff, na pinakahuling umalis sa Palasyo. Lumapit ang dalawa,
        sina Susan Reyes at Danny Almazan, at mangiyak-ngiyak na inalok
        ang Presidente ng pagkain. Hinaplos sila ni Marcos, umiiling.
        Iyon na ang paalam niya.
        Ilang minuto bago sila umalis, pinatawag ni Imelda ang naiiwan
        pang mga tauhan sa Palasyo, na karamihan ay close-in security.
        Nagsimula siyang mamigay ng tig-sasampung libong piso na nakasilid
        sa payroll envelopes. Ipinagpatuloy ito ng PR niyang si Babes
        Romualdez. 
        Magulo at mausok ang eksena sa tabing-ilog ng Palasyo. Binubuhat
        ng mga tauhan ang mga bagahe at isinasakay sa mga bangkâ.
        Unang itinawid ng ilog ang mga bagahe. Dumating si General Pattugalan,
        na ipinatawag ni Marcos. Kinumusta ni Marcos ang mga barikada.
        "Mahinahon siya at malinaw ang isip niya," kuwento
        ni Pattugalan. 
        "Tiyakin mong hindi magagalaw ang mga barikada," utos
        ni Marcos. "Pigilan ang pagpasok ng mga tao, kahit anong
        mangyari." 
        Sinundo ng powerboat ang pamilyang Marcos at ang iba pa nilang
        kasama at itinawid ng ilog Pasig patungong Park. Dahil nahuli
        ng datíng, naiwan si Jose Conrado "Jolly" Benitez,
        ang kanang kamay ni Imelda sa Ministry of Human Settlements;
        napilitang umarkila ng bangkâ si Jolly para makahabol sa
        biyahe.
        Sa Wack Wack, Mandaluyong, nakatanggap si Cory ng tawag mula
        kay Ambassador Bosworth. Handa na raw umalis ng Palasyo si Marcos
        pero humihingi ito ng dalawang araw sa Paoay, Ilocos Norte. Ayon
        sa isang kuwento, na itinatanggi ni Cory, naawa ito kay Marcos
        at sinabing, "Bigyan natin siya ng dalawang araw."
        Ngunit kumontra daw sina MP Palma at iba pang tagapayo ni Cory
        sa hiling ni Marcos. Sa tingin nila, kung bibigyan si Marcos
        ng pagkakataon ay tiyak na mabubuo uli niya ang kanyang puwersa
        at maaaring hindi na siya umalis. Tinawagan daw ni Cory si Ambassador
        Bosworth at sinabing hindi niya mapagbibigyan ang hiling ni Marcos.
        Kailangan niyang lisanin agad ang bansa.
        Ayon naman kay Cory, hindi siya pumayag noong itanong ni Bosworth
        kung puwedeng magpunta si Marcos sa Paoay. "Itinanong ko
        kung nag-aagaw-buhay si Marcos. Hindi raw, pero pagod na pagod.
        Kung ganoon, sabi ko, puwede silang matulog sa Clark ng isang
        gabi pero kailangan nilang umalis kinabukasan. Ni hindi ko pinag-isipan
        ang Paoay. Kung patawirin na siya, hayaan siyang mamatay sa Clark
        o kung saan man. Subalit tiniyak sa akin ni Steve Bosworth na
        hindi ganoon ang sitwasyon." 
        Alas-ocho kuwarenta (8:40) ng gabi, may convoy ng mga sasakyang
        punô ng security men na tumakas sa Malakanyang patungong
        Clark Air Base sa Pampanga. 
        Alas-ocho kuwarenta'y singko (8:45) sa Mendiola. "Malamig
        ang gabi; medyo mahangin," kuwento ni Gus Miclat. "Nakakakoryente
        ang tensiyon sa kapaligiran kahit mukhang nagpapahinga lang ang
        mga pagod na aktibista. Nangingibabaw ang mga pulang bandera
        nila na kakaway-kaway sa hangin at sa liwanag ng buwan. Ito ang
        mga tao na sinasabi nilang "hotheads and agitators"
         maiinit ang ulo at mga manunulsol. Karamihan ay kasama
        sa BAYAN at KMU at ng mga militanteng estudyante. Walang nakita
        o narinig na panunulsol galing sa kanilang mga hanay. Ang tuyaan
        at sulsulan ay nanggaling sa mga tao sa mga bubong ng bahay o
        sa labas ng mga hanay ng BAYAN. Kapit-bisig ang marshalls, parang
        lubid na nakapalibot sa kanilang mga tao. Kumpol-kumpol ang iba't
        ibang sektor. Karamihan ay kabataang nasa sapat na gulang 
        sila ang martial law babies kung tawagin; kinalakhan nila ang
        batas militar  at sila ang nagbabanta sa huling tanggulan
        ng diktadurya. Sa harap, ang pumapagitna sa mga barikadang bakal
        at sa mga aktibista ay mga seminarista, pari, at madre. Sa gitna
        ng dagat ng mga militante, may isang jeepney na nagsisilbing
        entablado, headquarters, dalahan ng pagkain, at klinika.
        Sa Malacañang Park, nasa lilim ng mga punò si Enrile,
        pinapalibutan ng mga guwardiya niyang RAM, hinihintay si Marcos.
        "Halos tatlumpung (30) taon nagsama at nagpayaman ang dalawa,"
        sabi ni Sterling Seaberg, historyador. "Marami silang alam
        tungkol sa isa't isa na walang ibang nakakaalam. Ayon sa mga
        saksi, nagkapatawaran ang dalawa at sa huli ay matagal na nagyapusan."
        "Napansin ko ang batang Ferdinand," kuwento ni Aruiza.
        "Lukot ang fatigues, may riple sa balakang, nakadikit sa
        ama niya, winawalis ng mata ang paligid. Kagabi lang, nagbabalak
        siyang bawiin ang Channel 4. Sasama sana ako ngunit nabalitaan
        ni Marcos ang pakana at mahigpit niya itong ipinagbawal."
        Nang dumating ang oras, tila kinutuban si Marcos sapagkat bigla
        itong nagpumiglas. Galit na galit kina Alex Ganut at Restituto
        Alipio na umaakay sa kanya. Noon lamang siya nagalit mula noong
        ika-22 ng Pebrero. Lumalaban siya, ayaw niyang sumakay ng helicopter,
        ayaw niyang umalis. 
        Sumaludo at nagpakilala si Heneral Allen kay Marcos. Sa labis
        na kahinaan, ni hindi maitaas ni Marcos ang kamay para sagutin
        ang saludo. "Buhat siya ng apat na bodyguard," sabi
        ni Allen. "Kinuha ko siya at ihiniga sa belly ng helicopter."
        Pinagtulungang isakay ng apat na lalaki ang isang istatwa ng
        Santo Niño na purong ginto, may tatlo hanggang apat na
        piye ang taas, pati kapa ay ginto, at ang kuwintas ay may palawit
        na malaking brilyante. May isinakay ding mga kahon ng gold bars
        at kung ano-ano pa. Naka-terno ang puganteng Unang Ginang. Baliktad
        ang pagsuot niya ng earplugs, siguro para hindi magulo ang buhok
        niyang ayós na ayós. Maya't maya ay sinisilip ang
        itsura niya sa salamin. Sumakay si Ver na may nakasabit na Uzi
        sa leeg. Nang pinatatanggalan ito ng bala ng isang crewman "for
        safety reasons," nagtaray si Ver. "Don't fuck with
        me!" Nagrebolusyon ang makina ng kabilang helicopter, handa
        nang lumipad, nang may lalaking naka-fatigues ang nagpilit na
        sumakay. Inilabas ng flight engineer ang ulo niya at sinabing
        punô na sila. Tinutukan siya ng baril ng lalaki na isiniksik
        ang sarili sa loob, umuungol, "I'm his goddamned son!"
        Naniwala na lang sila dahil nasa kabilang chopper ang goddamned
        niyang ama. 
        "Limampu't lima kami, na hinati sa dalawang biyahe; bawat
        biyahe ay may dalawang helicopter," kuwento ni Aruiza. "Sina
        Gng. Marcos, Ferdinand Jr., Colonel Ratcliffe, Captains Villa,
        Sadiarin, at Espadero, at si Jolly Benitez ang sakay ng unang
        helicopter. Hindi makapagdagdag ng pasahero dahil punong-puno
        ito ng bagahe ni Gng. Marcos."
        Alas-nuwebe singko (9:05) ng gabi, humahaluyhoy, tila hirap na
        hirap, na umangat ang isang helicopter paalis ng Palasyo. Kaagad
        umangat ang isa pa. Sakay ng ikalawang helicopter si Marcos,
        sina Tommy at Imee, Greggy at Irene, mga anak nila, mga doktor
        at nurse, mga security agent, at mga valet. Makalipas ang kinse
        minutos, may dalawa pang helicopter na lumapag upang hakutin
        si Major Monino Veridiano at ang kanyang mga kasama. Takot na
        takot ang mga pilotong Kano. Akala nila ay pinapaligiran na ng
        mga rebeldeng sundalo ang Palasyo at pinapaputukan na ang mga
        tauhan ni Marcos. Alas-nuwebe bente-singko (9:25) ng gabi, ayon
        sa mga saksi, umangat ang dalawa pang helicopter papalayo sa
        Malakanyang. 
        Samantala, sa kabila ng ilog, nagka-problema ang isang US Navy
        boat na sobra ang taas ng antenna, hindi tuloy makadaan sa ilalim
        ng mga tulay papunta sa Palasyo. Kulang na ng lugar sa tatlong
        bapor para sa lahat ng bagahe at apatnapu't lima pang pasahero.
        Nang dumaong ang unang bapor, apatnapu't limang tao agad ang
        sumakay, na karamihan ay mga sundalo ng PSC. Pinaputukan sila
        ng mga kasamahan nilang hindi naanyayahang lumikas kayâ
        nagmamadaling lumayo sa daungan ang kapitan at naiwan ang mga
        bagahe. 
        Wala na ang pamilyang Marcos nang tumawag si Bosworth sa Palasyo
        upang iparating na hindi pumayag si Cory sa biyaheng Paoay. Tinawagan
        uli niya si Cory at sinabing nakaalis na ang dating Pangulo.
        Mahinahon pa rin, ibinaba ni Cory ang telepono at humarap kina
        Palma. "Nakaalis na si Marcos," sabi niya na para bang
        bale-wala ang balita. Lahat ay masayang naghiyawan. Si Cory lang
        ang tahimik.
        Sa Mendiola, palakpakan at hiyawan ang mga tao nang may dumating
        na bagong grupo, halo-halong dilaw at pula, na nagmartsa galing
        EDSA. Umeksena rin ang mga bading, pasikot-sikot sa mga kumpulan
        ng tao. "Wala na si Marcos! Makikita ko na rin ang Malakanyang!
        Appear!" Sa mga barikadang bakal at alambre na nakaharang
        sa tulay, may bandila ng BAYAN, streamer ng "Koalisyon ng
        Mamamayan Laban sa Diktadura," at isang nagsasabi na "Tanggihan
        ang US-sponsored na Koalisyong Pasista!" Pakapal nang pakapal
        ang mga tao sa labas ng hanay ng mga militante. Kumakalat na
        ang balitang nakaalis na si Marcos. Pero may report din na may
        tatlong daang ex-convict na naiwan sa Palasyo at handang makipagputukan
        hanggang magkáubusán. Makahulugan na kung sino
        ang labis na pinagsamantalahan at inapi ng rehimeng Marcos ng
        dalawampung taon  ang mga manggagawa, ang kabataan, at ang
        mararalita, o "masa" kung tawagin  sila ang nandito
        sa Mendiola, pumapagitna sa hindi organisado't galit na mga tao
        at sa tatlong daang (300) loyalista ng Palasyo upang lubusin
        na ang pagdurog sa diktadurya.
        Nakarating din ang diwa ng People Power sa Mendiola. Tulad sa
        EDSA, maayos pa rin, nagkakaisa pa rin, nagbibigayan pa rin ang
        mga tao, subalit mas radikal, mas militante, mas tense ang timpla
        at datíng ng pagtitipon, Kaliwa kasi ang may dala at teritoryo
        nila ang Mendiola, sumunod na lang ang mga Coryista.
        Ayon kay Joma Sison, kung sa EDSA ay 20% lang ng mga tao ang
        organisado, sa Mendiola ay umabot sa 80% hanggang 90% ang organisado
        o buhat sa "progressive mass organizations." 
        Kung sa EDSA ay nagsilbing barikada ang mga tao upang hindi magpatayan
        ang dalawang hukbo, sa Mendiola naman ay tinutukan nila at nagparamdam
        sila kay Marcos, paminsan-minsa'y nagpapasabog ng pillbox, tinutuksong
        magpaputok ang Marines upang lalong matakot at marindi ang mga
        nasa loob ng Palasyo. Psy-war, People Power style. Napraning
        sina Marcos at nagmadaling umeskapo.
        Alas-nuwebe kuwarenta'y singko (9:45) ng gabi sa Clark Air Base.
        Sigawan ang daan-daang tao na nagtipon sa main gate, humihiyaw
        ng "Co-ree! Co-ree!" Businahan ang may limampung sasakyan.
        Noise barrage ang isinalubong kay Marcos ng mga Kapampangan.
        Sinalubong din si Marcos ng Commanding General ng 13th US Air
        Force, si Major General Gordon Williams, at ng asawa niya. "Dahan-dahang
        naglakad si Marcos mula helipad hanggang sa VIP lounge; alam
        niyang pinapanood siya ng mga sundalong Kano. Sa loob, pinag-usapan
        ni Marcos at nina Williams at Allen ang tungkol sa biyaheng Ilocos
        Norte. Idiniin ni Marcos na kailangan itong matuloy bukas na
        bukas din." 
        Alas-nuwebe singkwenta'y dos (9:52) ng gabi, inulat ng DZRH na
        umalis na sa bansa ang mga Marcos." Kalilipas ng 10:00 nang
        kinumpirma ng US Air force TV station FEN ang balita. 
        Unang senyas na nakaalis na si Marcos: nagsiurong ang isang libong
        Marines na nagtatanod sa Palasyo at bumalik sa barracks, kung
        hindi sa Fort Bonifacio, sa Camp Crame. Sa Nagtahan Bridge, tuwang-tuwang
        sinalubong at dinumog at kinamayan ng mga tao ang mga sundalo.
        May mga bumuhat kay Colonel Santiago na may dilaw na lasong nakatali
        sa ulo. May umawit ng "Ang Pasko Ay Sumapit." 
        Pinatigil
        na ni Cardinal Sin sa pag-aayuno ang Pink Nuns, Carmelites, at
        Poor Clares; nagpadala siya sa mga kumbento ng sorbetes at cake.
        "Ginising kami ng anak naming si Rosanna," kuwento
        ni Larry Henares. "'Tapos na!' sigaw niya. 'Lumayas na si
        Marcos!' Napaluhod ang asawa kong si Cecilia, lumuluha at nagpapasalamat
        sa Diyos. Itinayô siya ni Rosanna. 'Nanay, mamaya ka na
        umiyak at magdasal, 'wag muna ngayon.' Bakit? hiyaw ko. 'Wala
        sila sa langit,' aniya, 'nandito silang lahat, ang Panginoon,
        ang Mahal na Ina, ang mga santo at santa, nandito sila, nagsasayawan
        sa kalye! Tayo na sa labas!'"
        Sayawan sa kalsada, putukan ang mga kuwitis at rebentador, businahan
        at tambulan, tawanan, iyakan, yapusan. Mga higanteng traffic
        jam. Libo-libo ang matagumpay na nagmartsa mula Crame hanggang
        Malakanyang. Kahit saan, punô ang mga kalye ng mga taong
        nagwawala at nagdiriwang. 
        "Sugod paabante, sugod paatras. Umuulan ang bato mula sa
        Marcos loyalists na nakulong sa loob ng Malakanyang," kuwento
        ni Brocka, "walang malay na tinakbuhan na ng Presidente
        nila. Pero, Manay, nakakahiya bang sabihin, 'di mo yata maaalis
        sa Pinoy; sa gitna ng batuhan at stampede, tuwing may camera
        lights, tigil kami, kuntodo luhod 'yung mga nasa harap para 'di
        matakpan ang mga nasa likod, sabay ngisi at L sign! Pa-picture!
        Kuha 'yung mga nakatingala! Kuha 'yung nasa tabi ng tangke! Cut
        to cut na ganyan! 'Tapos, ayan, umuulan na naman ang mga bato,
        putok ang ulo ng iba, duguan, ang gulo! 'Tapos, datíng
        ang mga madre, may dalang tatlong karosa, kumakanta ng 'Ama Namin'!
        Sabi ko, wala na si Makoy! Panalo na!" 
        Tulad ng buong bayan, gulat na gulat si Cardinal Sin sa mga pangyayari.
        "Noong nanawagan ako sa mga tao na protektahan sina Enrile
        at Ramos," sabi niya, "ang hangad ko lang ay maiwasan
        ang pag-agos ng dugo. Hindi ko inisip na patalsikin si Marcos.
        Pero kusa siyang umalis!" Nátawá ang Cardinal.
        Wika ni Ramos: "Hindi talaga namin inasahang matutupad ang
        aming mga hangarin sa loob ng napakaikling panahon, at nang halos
        walang umagos na dugo. Naniniwala ako na utang ito ng bayan kay
        Cory Aquino, isang kapani-paniwalang pinuno na sinuportahan ng
        mga tao; ikalawa, sa isang grupo ng military professionals na
        naghangad ng pagbabago sa AFP sa pamumuno ni Enrile at ng inyong
        lingkod; ikatlo, sa People Power; at ikaapat, sa dakilang commander-in-chief
        na tiniyak ang pagsasabwat ng mga tao at ng mga pangyayari."
        "Wala akong babaguhin sa EDSA," ani Cory. "Sa
        tingin ko, tamang-tama lahat ng nangyari noon. Lahat ay biglaan,
        kusang-loob. Walang direktor. Ang mga tao lamang, na sa matinding
        pagnanasang magkaroon ng pagbabago ay nagawang makamit ang pagbabago.
        Ang mga tao mismo ang siyang kumilos, at sa pamamagitan ng pagsasama-sama
        at pagkakaisa nila ay nagkakilanlanan ang magkakapwa-Pilipino.
        Iyong pagsasalo sa pagkain, iyong sama-samang pananalangin, iyong
        kabaitan at pagtutulungan, iyong pag-aalay ng sarili  ayokong
        mabago iyon. Ang totoo, sana ay magkaroon pa ng maraming EDSA,
        kahit parang imposible, o matutunan man lamang natin ang mga
        leksiyon ng EDSA. Kahit kailan siguro ay hindi natin mailalarawan
        ang buong pangyayari, sa dami ng naganap at sa dami ng tao na
        nandoon. Ang importante, sa natatanging pagkakataong ito ay nagpakitang-gilas
        ang mga Pilipino, na ikinatanyag ng Pilipinas sa buong mundo.
        Kilala na tayo dati, pero para sa masasamang bagay. Binago lahat
        iyon ng EDSA." 
        Alas-diyes kinse (10:15) ng gabi, habang kinakalas ng mga tao
        ang matitinik na alambre na nakabalot sa mga barikadang bakal
        sa Mendiola, nagsitayuan ang mga militanteng aktibista ng Kaliwa,
        nagdikit-dikit, at nagsialis. Tanong ni Gus Miclat: "Bakit
        sila umalis at nag-disperse? Bakit hindi sila nanguna o sumama
        sa mga tao na sumakop sa Malakanyang?" 
        "Isaalang-alang sana ang kalagayan ng marami sa hanay ng
        Kaliwa," sabi ni Romeo Candazo. "Nang pumunta sila
        sa EDSA, ang tumambad sa kanila ay mga mukha ng mga sundalo na
        nag-torture sa kanila. Mabigat na trip, pero tiniis nila. 
        Hindi lamang iyon ang problema ng Kaliwa. Nandoon din iyong pagkaka-boykot
        nila sa snap elections na nagbigay-daan sa civil disobedience
        campaign ni Cory na nauwi sa drama ng People Power sa EDSA. Hindi
        kasi nila akalaing ganoon na lang ang hatak ng biyudang walang
        alam, at lalong 'di nila akalaing madadala ng burgis na si Cory
        ang taong-bayan sa bingit ng himagsikan nang walang armas. Tuloy,
        ang Kaliwa ay hindi naka-eksena nang husto sa EDSA. Nakibaka
        nga sa mga Coryista ang marami sa kanila pero bilang pangkaraniwang
        mamamayan lang, hindi bilang komunista. Mas masaklap, saling-pusa
        na nga lang sila, na-bad trip pa sila sa mga repormistang militar
        na tumugis at nag-torture sa kanila noong panahon ng batas militar.
        Kayâ nga yata sila nagmadaling umalis sa Mendiola noong
        nakalayas na si Marcos. Pero suwerte na rin sila, kung tutuusin.
        Kung hindi sila umalis, nasabit sila tiyak at nasisi, may kinalaman
        man sila, o wala, sa pandarambong na naganap sa Malakanyang.
        Kalahating oras na ang nakakalipas mula nang umalis si Marcos
        bago raw nalaman ng rebeldeng militar. Ayon kay Isleta, galit
        na galit sina Enrile at Ramos, lalo na't may balita ring nilusob
        na ng mga tao ang Palasyo. "Bakit hindi sila nakipag-coordinate
        sa atin kung aalis na pala sila? Hindi sana nagkagulo kung naging
        pormal ang paglipat ng kapangyarihan. Sana ipinaalám nila
        sa atin," sabi raw ni Ramos.
        May kalabuan ang mga ulat tungkol sa repormistang militar noong
        gabing iyon. Pahiwatig ni Ramos, hindi niya alam kung anong oras
        aalis ang mga Marcos. Pero 'di ba't nakipag-coordinate pa siya
        kay Ambassador Bosworth at tiniyak niyang walang makikialam sa
        kahit anong pagkilos ng mga Kano kaugnay ng paghakot sa mga Marcos
        sa Malakanyang? At di ba't alam din ni Enrile at ng RAM, na nakarating
        pa raw sa Malacañang Park upang magpaalam kay Macoy? Isa
        pa, bakit kailangang hintayin ni Ramos na makaalis si Marcos
        bago siya magpadala ng mga tropa sa paligid ng Malakanyang? Kutob
        ko, umaakting lang noon si Ramos. Maaaring iniwasan talaga ng
        repormistang militar na magpunta sa Malakanyang sapagkat may
        chismis na pinatamnan ni Ver ng mga bomba ang Palasyo. Ang tanong:
        bakit hindi nila binalaan ang mga tao tungkol sa panganib? Bakit
        hinayaan pa rin ang mga tao na pasukin ang Palasyo? Tuloy, parang
        sinadyang papasukin ang mga tao at hayaan silang magwala, magnakaw,
        manira, at magkalat, lalo na ng mga dokumento na maaaring mag-incriminate
        sa mga Marcos at mga crony. Hindi imposible na sadyang pinasingitan
        ng mga bayarang goon ang taong-bayan, at nadala na lang ang karamihan.
        Sabi ni Ramos, tinangka niyang magpunta sa Malakanyang. "Inutos
        ko kay General Cabrera, superintendent ng Western District, na
        pairalin ang kaayusan sa paligid ng Palasyo. Nangako ako na darating
        ako sa loob ng kuwarenta'y singko minutos. Kaya lang, ang kapal-kapal
        ng tao sa Sta. Mesa. Lahat ay nagsasaya, parang Pasko, Bagong
        Taon, at birthday, sabay-sabay. Pabalik na kami sa Crame noong
        nakatanggap ako ng radio message buhat kay Presidente Aquino,
        pinapareport ako sa Wack Wack."
        Alas-diyes singkwenta (10:50) ng gabi sa Mendiola. Mas makapal
        na, mahigit isang milyon na, ang mga taong nagtatanod sa tulay,
        ang iba'y kinakalas ang barbed wire sa mga barikadang bakal,
        pang-souvenir. Sa loob ng Palasyo, nasa kapilya ang mga naiwang
        staff. Tulo ang luha ng ilan habang nagdarasal, "Diyos ko,
        kaawaan Niyo kami." Bago dumating ang mga tao, malayang
        naikot ng mga reporter ang mabobonggang silid ng Palasyo kung
        saan kaiinagura kay Marcos at kapapangako niya na hindi siya
        magbibitiw kailanman. Sa ibaba, nakataob ang mga mesa at nagkalat
        ang papel sa sahig. Sa isang malaki at maadornong reception room
         may salamin lahat ng dingding at mga chandelier ang ilawan
         may nakahaing pagkain sa aluminum foil, curry yata, na
        hindi natapos kainin. Sa isang kuwarto, may mga mapa ng voting
        figures, ipinapakita ang mga boto kay Marcos noong halalan. Mayroon
        ding riple, machinegun, at sinturon ng bala.
        Naaalala ni James Fenton na sa bawat kuwartong pinasok niya at
        bawat ibabaw na mapapatungan, may litrato ni Nancy Reagan na
        may pirma niya. "Imposibleng totoo, pero ganoon ang datíng
        sa akin, na kahit saan ako tumingin, nandoon si Nancy."
        Sa balkonahe ng ikalawang palapag, may isang malaking pisara
        kung saan may nakaguhit na mapa ng Camp Crame. Sa tabi ng mapa,
        may listahan ng posibleng lakas ng puwersang rebelde, tao, at
        armas. Sa labis na pagmamadali ng mga Marcos, naiwan nila ang
        napakaraming mahahalagang personál na gamit ng pamilya,
        gayon din ang kalahating dosenang TV sets na wide-screen, mga
        mamahaling stereo unit, isang double freezer na punô ng
        American steaks, at isang aparador na 10 piye na punô ng
        mga pantulog ng dating Unang Ginang. Sa tabi ng higanteng kama
        ni Imelda na 12 piye ang lapad, may naiwang kalahati ng saging.
        Pero hindi naiwan ni Gng. Marcos ang sikat niyang koleksiyon
        ng alahas. Nagkalat sa sahig ng kuwarto ang mga basyong kahon,
        at walang laman ang dalawang malaking estante ng alahas. Ang
        kuwarto ng kanyang asawa, na kasing-laki ng isang gym, ay kuwarto
        ng isang maysakit. Sa tabi ng kama ni Marcos na king-size, may
        hospital bed na may nakakabit na oxygen machine at intravenous
        bottle. Mayroon ding medical equipment na tinatawag na "Centurion
        Magnotherapy," yari para sa malulubhang kondisyon ng puso,
        baga, at bato. Malapit sa kama ng dating Presidente, sa isang
        bunton ng mga dokumentong may tatak na "Top Secret and Confidential,"
        may sulat galing kay Ramos, ika-19 ng Pebrero ang petsa, binabalaan
        ang Pangulo na hindi makakabuti sa AFP ang sunod-sunod na midnight
        appointments sa matataas na puwesto ni inihahabol ni Ver. Sa
        tabi ng dalawang unan sa kama, may souvenir na naiwan si Marcos
         ang kanyang army helmet noong World War II. 
        Sa Wack Wack, Mandaluyong, tiniyak ni Ramos kay Cory na ang bansa
        ay nasa kamay na ng bagong gobyerno. Inutos ng bagong Presidente
        na panatiliin ni Ramos ang kaayusan. "Ibig din niyang maalaman
        kung sino-sino ang nasa line-up ko ng mga kumander." 
        "Pinipili na namin ang mga bubuo ng Cabinet," kuwento
        ni Cory. "Noon pa lang, ang dami na naming problema. Alam
        niyo naman, People Power ang nagluklok sa akin sa puwesto. At
        ang People Power ay binubuo ng mga tao sa Kaliwa, mga tao sa
        Kanan, mga tao sa Gitna. Noong unang gabing iyon pa lang, may
        mga senyales na na hindi magiging masaya at maayos ang pagsasama
        ng una kong Cabinet." 
        Alas-onse y medya (11:30) ng gabi sa Mendiola Bridge. Bumugso
        patungo sa gate ng Palasyo ang mga tao. Kumalat sa iba't ibang
        direksyon ang mahigit isang daang (100) sibilyang loyalista ni
        Marcos.
        "Nasanay na ako noong mga araw na iyon na nakakakita ng
        milyon-milyong tao sa kalye. Pero ibang klase, nakakasindak,
        itong buhos ng maiingay na taong tumawid ng Mendiola Bridge,
        marami sa kanila may suot na koronang yari sa alambreng matinik,"
        kuwento ni Fenton. "Mali iyong hula kay Imelda na babagsak
        muna ang rehimeng Marcos bago matawid ng oposisyon ang Mendiola.
        Ang tama: kapag natawid ng mga tao ang Mendiola, ibig sabihin
        ay bumagsak na si Marcos. Pero maliit na bagay lang iyon; sa
        kabuuan, nagkatotoo ang hula."
        Pilit na nabuksan ng mga tao ang mga gate ng Palasyo. Kabilang
        sa mga naunang pumasok sa Malakanyang ang daan-daang looters
        na inakyat ang Administration building. Libo-libong mga dokumento
        ang inihagis sa bintana at ilang mamahaling mga gamit ang natangay.
        May napatay din daw na isang di-kilalang estudyante ng Philippine
        Marine Institute. 
        Kumalembang ang mga kampana ng San Beda. Putukan ng rebentador.
        Sa Maharlika Hall, isang lalaki ang nagkakaway ng watawat ng
        Pilipinas mula sa balkonahe á la Malolos. Sa paghahanap
        ng mga souvenir o ng mananakaw, walang pinatawad ang mga tao:
        radyo, telebisyon, mga papel-papel, maging mga halaman. Maraming
        equipment ang naisakay sa kareton at nadala; maging direktoryo
        ng telepono ay tinangay. Pinunit ang mga mimeograph stencil sa
        mga makina at ikinalat sa sahig ang laman ng mga desk. Binasag
        ang mga litrato ng mag-asawang Marcos. Pati mga kutson, damit,
        at iba pang mga bagay ay pinaghahagis palabas. Natigil lang ang
        gulo nang nagalit ang ibang tao at nagsigawan ng: "Huwag
        sirain!" May batang lalaki na papara-parada, may suot na
        ceremonial spiked helmet sa ulo. May mga lalaking nakaupo sa
        likod ng mga desk, nagkukunwaring mga bureaucrat, sinasagot ang
        mga telepono na gumagana pa rin. Sa records office, halos hindi
        ginalaw ang mga makinilya pero nagkalat ang mga papel, files,
        at libro sa sahig. Sa ibabaw ng isang makinilya, may nakatapak
        na isang sapatos ng babae.
        Sa labas, mga sampung libong (10,000) tao ang nakapasok na sa
        bakuran ng Malakanyang. May pares-pares na nakaupo sa ilalim
        ng mga punò, may namamasyal sa mga hardin, may nagkokodakan.
        Inakyat ng naghihiyawang mga lalaki ang mga tangke na naiwang
        nakatiwangwang. Sa liwanag ng maiinit na ilaw, parang di-totoo
        ang eksena.
        Kadarating ni Freddie Aguilar. Gustong makita ng sarili niyang
        mata na nakaalis na nga si Marcos. "May nasalubong ako,
        may dalang pasô," kuwento niya. "Okey lang, 'kako,
        souvenir. Maya-maya, may isa, sako ng bigas ang dala. Magnanakaw
        na 'yon ah, sabi ko. Kinausap ko ang mga tao. Walang sound system
        kaya sumisigaw ako. Sana ho, 'kako, 'wag tayong magnakaw, 'wag
        tayong mag-vandalize. Okey lang na mag-usyoso tayo pero 'wag
        tayong maninira. 'Wag nating ibunton sa Palasyo ang galit natin
        sa dating Presidente. Nakakahiya sa bagong Presidente natin kung
        dadatnan niyang wasak-wasak itong Malakanyang. Pagkatapos, pumunta
        ako sa Channel 4 para ireport ang nangyayari." 
        May dalawang babaeng nagsasayaw sa ibabaw ng isang kotse. Piyesta
        na tipong Mardi Gras ang unang datíng kay Rolando Domingo.
        "Sa loob ng Palasyo, na puro yari sa mga capiz shell ang
        dekorasyon, magulo lahat ng kuwarto. Nagtutulakan at nagsasalyahan
        at nagnanakaw ang mga tao. Sa huli, hindi na lang ako gumalaw;
        tumayô lang ako doon at nanood. May dalawang tao na humahangos
        paalis, may buhat na picture frame na mukhang mamahalin. May
        lalaking nakasandalyas na ang buhat-buhat ay kahon ng gulay.
        May isang grupong nagbabalot ng mga damit yata o kurtina. May
        itinagong isang dakot ng M-16 magazine clips ang isang mamà
        sa ilalim ng jacket niya. May mga sundalo sa palibot pero hindi
        nila pinigil ang nakawan. Paikot-ikot lang sila, tila tuliro.
        Maaga akong umalis. Sa lahat ng lamay na nasalihan ko, itong
        sa Malakanyang ang pinakamaikli at nakapangingilabot." 
        Sa likod ng Palasyo, may nahuli ang mga tao na security at household
        staff na may isinasakay na sampung pirasong bagahe at iba pang
        gamit ng mga Marcos sa isang gomang bangka, ihahatid sa US Embassy
        kung saan kukunin ng US helicopter. Upang matakasan ang mga tao,
        naglundagan sa maruming ilog Pasig ang mga security at household
        staff. Masuwerte at wala ni isang nalunod. Pero nalimas ang mga
        naiwang bagahe na may lamáng pera, alahas, at mga dokumento.
        Mabuti't hindi nakapasok sa Palasyo ang mga magnanakaw; ikinandado
        kasi ng mga security guard ang pintuan patungo sa mga kuwarto
        at opisina ng Presidente at ng kanyang pamilya. 
        Hindi lahat ng mga taga-media na umikot sa Palasyo noong hatinggabing
        iyon ay nakita ang kahabag-habag na katibayan ng matinding takot
        ni G. Marcos nang dumating ang kanyang oras ng katotohanan. Sa
        banyo niya, may nakitang combat boots na itim, pantalon, at disposable
        diaper. Ang botas, pantalon, at lampin ay pare-parehong may bahid
        ng dumi. Sa gulat siguro, o sa taranta, napadumi sa pantalon
        si G. Marcos. Noong panahon ng kampanya, nahalata na wala na
        siyang kontrol sa kanyang pantog; may dala siyang orinola tuwing
        bibiyahe. Ngayon, tila nawala na rin ang kontrol niya sa bituka;
        kayâ siguro sangkatutak na mga kahon ng lampin ang dala-dala
        ng mga Marcos. Ano't anupaman, hindi katakataka na isa sa mga
        huling ginawa ni G. Marcos sa Palasyo ay ang dumihan ito.
        Pagdating ni Freddie Aguilar sa Channel 4: "Ang dami nang
        balimbing! Biglang pumapapel 'yung mga hindi ko nakita sa kilusan.
        Sila ang nagdidikta ng mga patakaran. Kesyo pumirma raw muna
        ako bago ako makapasok. Palibhasa, ako naman ay Kristiyano, hangga't
        maaari, ayaw kong bumasag ng mukha ng may mukha, kayâ pumirma
        ako. Saan ba 'kako puwede mag-report? Pinapasok ako. Nakita ko
        sa loob sina Peque Gallaga, sina Danny Javier. Noong sabihin
        kong magrereport sana ako tungkol sa nakawan sa Malakanyang,
        huwag ko na lang daw banggitin, sabi ng mga unggoy na cameramen.
        Nagtaas ako ng boses. Sino ba kayo, 'kako? Bakit bigla kayong
        nandito lahat? At bakit ninyo ipagbabawal na mag-report ako ng
        totoo? Kaya nga nagkaleche-leche ang bayan natin, dahil sa kasinungalingang
        ganyan, ngayon ibabalik na naman ninyo! Mga sipip! Mga lintik!
        Nagngingitngit talaga 'ko! Kung puwede nga, suntukan na lang,
        e!" 
        Sa Malakanyang, bukás na ang mga gate pero inakyat pa
        rin ng mga tao ang bakod sa pagmamadaling makapasok. "Pinagpuputol
        nila at tinangay pati ang mga sanga ng mga punò sa tabing-bakod,
        souvenir daw. Bawat isa ay naghahanap ng souvenir ng bisitang
        ito sa Malakanyang. Nasisilip sa mga bintana ang mga tanyag na
        chandelier na nakailaw lahat, aakalain mong nandoon pa ang mga
        dating nakatira. Sa balkonahe, kung saan nagtalumpati si Marcos
        sa kanyang bayarang mga bisita kanina lang tanghali, may nakatayo
        ngayong poster nina Cory at Doy. Ang mga tao ay nagkalat, sinisira
        ang manikuradong damuhan. Kung nakita iyon ni Imelda, hinimatay
        siguro siya," kuwento ni Corinta Barranco.
        Sa Channel 4, nanawagan si Freddie sa mga nasa Malakanyang na
        itigil na ang pagnanakaw at pagbabaság. "Sana 'kako,
        bantayan na lang nila ang Palasyo para sa bagong Pangulo. Alam
        mo ang kasabi-sabi noong isang unggoy sa Channel 4? 'Mga kaibigan
        d'yan sa Malakanyang,' sabi niya, 'binibigyan namin kayo ng trenta
        minutos para umalis d'yan!' May time limit pa! Off the air, sabi
        ko sa mga nakaharap sa kamera, 'Ipupusta ko ang itlog ko, hindi
        niyo mapapaalis ang mga tao! Kahit ipadala niyo pa ang mga reformist
        d'yan, hindi sila mapapaalis!' Hindi sila nakakibo! Mga burgis
        ba! Mga porma!" 
        Napanood ni James Fenton si Enrile sa TV noong gabing iyon. Parang
        yari ng amateur ang video  tulad ng sa kidnap victim na
        tinutukan ng baril at pilit pinagsalita. Kakatuwa ang pahayag
        ni Enrile. Una'y ibinalita niya na in-exile na si Marcos, na
        ikinalulungkot daw niya; hindi raw niya sinadyang ganoon ang
        mangyari. Tapos, nagpasalamat siya sa Presidente sapagkat hindi
        ito pumayag na tirahin agad sila ni Ver. Noong mga oras na iyon,
        sabi ni Enrile, kayang-kaya silang lipulin ng loyalistang militar.
        Ngunit hindi daw ito inutos ni Marcos. "Dahil dito, pinasasalamatan
        ko ang Presidente. Saludo ako at ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas
        sa pagkahabag at kagandahang-loob niya." 
        Nang ikuwento
        ni Fenton ang napanood niya sa isang pulitiko, nagulat ang pulitiko.
        "Iilang oras pa lang nawawala si Marcos, nagsimula na ang
        pagretoke sa istorya," puna niya. 
        Kung paano nagsimula, ganoon nagtapos ang EDSA: sa mga kuwentong
        baluktot. Hindi kasi natapos-tapos ang psy-war nina Enrile at
        Ramos.